2 suspek, naaresto matapos mahuli sa aktong nagnanakaw sa isang bahay sa Quezon City

0
159

Naaresto ng pulisya ang dalawang lalaki na nahuling paulit-ulit na nanloob ng isang bahay sa Bgy. Sta. Cruz, Quezon City, nito lamang gabi ng Sabado, May 2, 2026.

Ayon sa inisyal na ulat ng Masambong Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula mismo sa biktima hinggil sa pagnanakaw ng mga kawatan.

Ayon sa biktimang negosyante na si Tyrone Chua, wala siya sa kanyang bahay nang una niyang nakita sa mga CCTV ang pagpasok ng isa sa mga suspek ng 3:00 a.m. ng May 1. Agad siyang umuwi para ipakandado ang main entrance ng kanyang bahay bago muling umalis.

Laking gulat niya nang makita ulit sa CCTV na bumalik ang kawatan at dumaan sa butas ng aircon ng kanyang bahay, dakong 7:00 p.m. ng May 1, na may kasabwat na kasama ang suspek.

Doon na siya nagmadaling tumawag sa mga pulis na agad namang rumesponde sa lugar makalipas ang ilang minuto.

Natangay ng mga suspek ang isang laptop, camera, isa sa mga CCTV sa bahay, at cellphone charger na may kabuuang halaga na Php146,700.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na dati nang nakulong ang mga suspek dahil sa patong-patong na kasong theft, paggamit ng ilegal na droga at illegal gambling.

Hindi na nabawi ng biktima ang mga nanakaw na gamit ng mga suspek. Samantala, aminado naman ang mga suspek sa nagawang krimen at sinabing nagawa nila ito dahil sa matinding pangangailangan.

Kasalukuyang nakakulong sa Masambong Police Station ang mga suspek na mahaharap sa kasong robbery.

Pinaaalalahanan naman ng Pambansang Pulisya na agad iulat sa kanilang himpilan sakaling may parehong mga kaganapan na mangyayari sa kanilang lugar upang agad na mahuli ang mga salarin at mapanagot ang mga ito sa batas.

Hindi hihinto ang PNP sa pagpoprotekta sa mga komunidad para sa ligtas at mapayapang pamayanan alinsunod sa mantra ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Leave a Reply