Naaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Sabado ang nasa 17 indibidwal dahil umano sa illegal na refilling at rebranding ng mga tanke ng liquefied petroleum gas (LPG) sa Sta. Quiteria Road sa Caloocan City.
Naaresto ang mga suspek kasunod ng isinagawang raid ng mga kapulisan sa isang compound kung saan nagtatrabaho ang mga ito.
Sa bisa ng isang search warrant, nagsagawa rin ang kapulisan ng inventory sa nakumpiskang mga kontrabando, kabilang ang ilang kagamitan na ginamit sa rebranding at refilling, mga walang laman na LPG tank, mga pintura, at isang tanker.
Pahayag pa ng NCRPO na posibleng managot din ang iba pang mga indibidwal na sangkot sa nasabing ilegal na aktibidad sa ilalim ng Section 43 ng Republic Act 11592 o ang LPG Industry Regulation Act.
Pahayag pa ng pulisya na lubos na delikado ang refilling o rebranding ng mga LPG tanks sapagkat maaari itong magdulot ng aksidente kung hindi nakasunod sa pamantayan ng pamahalaan.
Makakaasa ang taong-bayan na hindi titigil ang kapulisan sa pagsugpo sa katiwalain para sa katuparan ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”


