Gun ban, ipapatupad sa Cebu para sa Asean Summit 2026

0
137

Magpapatupad umano ang Police Regional Office 7 (PRO 7) ng total gun ban simula May 4, 2026 sa ilang bahagi ng Central Visayas bilang bahagi ng pagpapatupad ng heightened security para sa 48th Asean Leaders’ Summit, alinsunod sa direktiba ni PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr.

Magsisimulang isuspende ng mga awtoridad ang lahat ng Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) simula alas 12:01 ng madaling-araw ng May 4 hanggang alas 11:59 ng gabi ng May 11 sa mga lungsod ng Cebu, Mandaue, Lapu-Lapu, maging sa lalawigan ng Cebu.

Kabilang sa mga isususpinde ang mga permit sa pagkakarga ng baril, maging ang mga inisyu para sa mga gun clubs, manufacturers, dealers, at repair services. Kasama rin sa sususpendihin ang mga permit na may kaugnayan sa pampasabog at iba pang mga explosive materials.

Pansamantalang isasara rin umano ng mga awtoridad ang paggamit ng mga firing ranges, maging ang paggawa at pagbebenta ng mga firecrackers at pyrotechnic devices sa parehong panahon.

Tanging ang mga uniformed personnel mula sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang mga authorized law enforcement agencies na may mga official duties ang pinapayagang magdala ng baril.

Saad pa ni PBGen Arnold Abad, Acting Regional Director ng PRO7, na bahagi ang nasabing suspension ng pinaigting na seguridad ng PNP sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations, katuwang ang AFP at iba pang mga ahensya ng pamahalaan.

Binigyang-diin pa niya na ang gun ban ay isang proactive step ng PNP upang tiyakin ang ligtas at maayos na Asean Summit habang nanawagan din siya sa publiko na patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad partikular na sa pagbibigay ng impormasyon sa anumang mga kahinahinalang aktibidad sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon para sa katuparan ng adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Leave a Reply