Naging maayos at payapa ang pagdaraos ng Labor Day Celebration sa buong bansa ngayong taon ayon sa Philippine National Police (PNP). Ito ay matapos magtalaga ang PNP ng nasa mahigit 106,000 tauhan para magpanatili ng kaayusan at seguridad ng publiko.
Nakapagtala ang PNP ng nasa 58 rallies sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kung saan lahat ng mga ito ay nagtapos nang payapa nang walang anumang seryosong insidente na naitala.
Samantala, aabot naman sa 13,324 participants ang naitala ng himpilan na sumali at nakiisa sa iba’t ibang aktibidad alinsunod sa selebrasyon ng Labor Day.
“Sa kabuuan, naging mapayapa at maayos ang paggunita natin sa Araw ng Manggagawa. Nagpapasalamat tayo sa ating mga kababayan na nakiisa sa mapayapang pamamahayag, at sa ating mga kapulisan na nanatiling kalmado, disiplinado, at nakaalalay,” pahayag pa ni PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
“May mga hiwa-hiwalay na insidente, pero hindi nito naapektuhan ang pangkalahatang kaayusan ng mga aktibidad. Patuloy nating pinapairal ang maximum tolerance, propesyonalismo at maayos na pakikipag-ugnayan sa lahat ng sektor,” giit pa niya.
Iniuugnay ng PNP ang matagumpay na resulta ng pagpapatupad ng batas sa epektibong pakikipagkoordinasyon ng mga awtoridad sa iba’t ibang local government units, partner agencies, at mga organizer, katuwang ang suporta ng publiko.
“Responsibilidad namin na tiyakin ang kaligtasan ng lahat—mga nagpoprotesta, mga dumaraan, at maging ang ating mga tauhan. Gagawin natin ito nang may respeto sa karapatan at dignidad ng bawat isa,” dagdag pa ni PGen Nartatez.



