Muling ipinakita ng Alfonso Castañeda Police Station ang kanilang malasakit sa komunidad sa pamamagitan ng pagsasagawa ng outreach activity sa ilalim ng Project “Wheel It, To Learn It” na ginanap sa Good Harvest Church sa Purok 6B, Lublub, Alfonso Castañeda nito lamang ika-24 ng Abril 2026. Ang nasabing proyekto ay unang inilunsad noong ika-26 ng Enero 2026 na naglalayong mailapit ang kaalaman at iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan sa mga komunidad, lalo na sa mga liblib na lugar.
Pinangunahan ni PMAJ Ricarte S. Oliveros, Chief of Police ng Alfonso Castañeda Police Station, katuwang ang mga kinatawan mula sa 7th Infantry Division ng Philippine Army at Bureau of Fire Protection (BFP) ang nasabing aktibidad na dinaluhan ng mga residente ng komunidad at mga miyembro ng Good Harvest Church.
Sa isinagawang aktibidad, nagbahagi ng mahahalagang impormasyon ang mga katuwang na ahensya ukol sa seguridad ng komunidad, kaligtasan sa sunog, at mga programang pangkalinga sa pamilya.
Tampok din ang pagbabahagi ni Pat Melody C. Lorenzo na nagturo sa mga kabataan ng “Good Touch, Bad Touch” sa pamamagitan ng isang masigla at madaling tandaan na paraan upang higit na maunawaan ang proteksiyon sa sarili laban sa pang-aabuso. Bukod dito, namahagi rin ng groceries, gift packs, stuffed toys, at art materials ang grupo bilang dagdag-suporta sa mga benepisyaryo, habang nagsagawa rin ng feeding activity na naghatid ng mainit na pagkain sa mga dumalo.
Layunin ng programang ito na mailapit sa mamamayan ang mga serbisyong pampamahalaan at mahahalagang kaalaman ukol sa kaligtasan, seguridad, at proteksiyon ng pamilya sa pamamagitan ng isang mobile outreach approach kung saan ang kapulisan katuwang ang AFP, BFP, at LGU ay direktang pumupunta sa komunidad upang magsagawa ng information drive, community education, at iba’t ibang serbisyong gaya ng feeding at pamamahagi ng tulong tungo sa pagsusulong ng mas ligtas, maunlad, at makataong pamayanan bilang bahagi ng adhikain ng Bagong Pilipinas.
Source:Alfonso Castañeda PS



