Most Wanted Person sa Bulacan, naaresto ng Santa Maria PNP

0
467

Naaresto ng kapulisan ang isang most wanted person sa isinagawang warrant service operation sa Barangay Caysio, Santa Maria, Bulacan bandang alas-10:30 ng umaga noong Abril 25, 2026, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga pinaghahanap ng batas sa lalawigan.

Ayon kay PLtCol Mark Louie M. Sigua, Acting Chief of Police ng Santa Maria Municipal Police Station, ang 30-anyos na suspek ay nadakip ng Tracker Team ng Santa Maria MPS sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang nasabing warrant ay may kaugnayan sa Criminal Case Nos. 6295-M-2021 at 6297-M-2021 para sa service of sentence na inilabas ng Regional Trial Court Branch 77 sa Malolos City noong Nobyembre 27, 2025. Matapos ang pag-aresto, agad na dinala ang akusado sa himpilan para sa kaukulang dokumentasyon.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Santa Maria MPS ang naarestong indibidwal at nakatakdang iharap sa hukuman na naglabas ng warrant upang harapin ang kaukulang disposisyon ng batas.

Ayon kay PCol Jay B. Baybayan, Officer-in-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, patuloy na paiigtingin ng PNP ang mga operasyon laban sa mga wanted person bilang patunay ng kanilang pangakong “Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman” para sa kaligtasan at kapanatagan ng bawat mamamayan.

Source: Bulacan PPO

Leave a Reply