Malaking tagumpay ang naitala ng Police Regional Office CALABARZON matapos makasamsam ng iligal na droga na nagkakahalaga ng Php9,175,974.00 at maaresto ang 278 drug suspects sa isinagawang 220 buy-bust operations mula Abril 13 hanggang 19, 2026. Sa parehong panahon, umabot naman sa 299 wanted persons ang nadakip sa pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad sa rehiyon.
Isinagawa ang mga operasyon sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Hansel M. Marantan, Acting Regional Director, na patuloy na nagpapatupad ng mas pinahusay na anti-illegal drug at manhunt operations. Ayon sa pamunuan, ang mga tagumpay na ito ay bunga ng masusing intelligence work at koordinasyon ng iba’t ibang yunit ng kapulisan.
Binigyang-diin ni PBGen Marantan na ang mga resulta ay patunay ng dedikasyon ng bawat pulis sa kanilang tungkulin. Aniya, hindi lamang ito simpleng bilang kundi malinaw na ebidensya ng kanilang walang tigil na pagsisikap upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
Iginiit din niya na magpapatuloy ang kanilang kampanya hanggang sa tuluyang mapanagot ang mga lumalabag sa batas. “Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin napapanagot ang mga lumalabag sa batas,” pahayag ni PBGen Marantan, kasabay ng panawagan sa publiko na makiisa sa laban kontra ilegal na droga.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga naarestong suspek habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanila. Ang mga wanted persons naman ay sumailalim na sa kaukulang proseso bago iharap sa hukuman.
Ang matagumpay na mga operasyon ay nagpapakita ng patuloy na determinasyon ng PNP na tiyakin ang hustisya at kaligtasan ng mamamayan sa Bagong PIlipinas.
Source: PRO 4A



