Maayon, Capiz – Dalawang bangkay ang natagpuan sa isinagawang search and retrieval operation ng Maayon Municipal Police Station katuwang ang Maayon Bureau of Fire Protection at Maayon Municipal Disaster Risk Reduction Management Office nitong umaga ng Abril 14, 2022 sa Maayon, Capiz.
Ayon kay Police Major Christopher Candelario, Hepe ng Maayon MPS, tatlo ang naitalang nawawalang mga indibidwal noong Abril 12, 2022, sa gitna ng malakas na pagbaha dulot ng paghagupit ni bagyong Agaton sa kanilang bayan.
Kinilala ni Police Major Candelario ang mga natagpuang bangkay na sina Joselito Dequino y Dilla at Tommy Luces y Bernabe, pawang mga residente ng Barangay Tuburan ng nasabing bayan, na parehong natagpuan sa bandang ilog ng Barangay Carataya, Maayon.
Samantala, patuloy pa rin ang pagsasagawa ng retrieval operation ng Maayon PNP para sa isa pang nawawala na si Monito Dequino y Dilla, na pinaniniwalaang kasama ring naanod sa dalawa nang rumaragasang baha dulot ng bagyo.
###