Aabot sa 87 katao ang matagumpay na nahuli at natiketan ng Quezon City Police District (QCPD) sa isinagawang Oplan Galugad nito lamang Lunes ng gabi, April 6, 2026 sa iba’t ibang bahagi sa Quezon City.
Sa kabuuang 87 na nadakip, pinakamarami ang naitala sa ilalim ng La Loma Police Station 1 nang galugarin ang Bgy. Apolonio Samson at Bgy.
Manresa na nakapagtala ng 54 na lumabag. Kabilang dito ang 34 na may traffic violations, 13 na walang damit pang-itaas, at pito na lumabag sa curfew.
Sa Bgy. Gulod, Novaliches naman, 25 ang natiketan kabilang ang 19 na menor de edad. Samantala, walong lalaki ang nahuli sa Cubao Station 7 dahil sa kawalan ng suot na pang-itaas sa publiko.
Ayon kay Police Brigadier General Randy Glenn Silvio, District Director ng QCPD, ang operasyon ay bahagi ng mas pinaigting na direktiba mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) upang maiwasan ang anumang uri ng krimen.
Siniguro rin ng opisyal na ang mga menor de edad ay i-tu-turn over sa mga magulang o barangay officials.
“Kapag minor, hintayin natin ‘yung mga guardians. ‘Pag walang magulang, ang barangay officials na po… sila na po ang maghahatid niyan kung saan nakatira ang bata,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa QCPD, may karampatang multa ang sinumang lalabag sa ordinansa ng lungsod, ito ang Php5,000 para sa pag-iinom sa lansangan; Php2,000 para sa curfew (10:00 p.m. to 5:00 a.m.); Php1,000 para sa kawalan ng damit pang-itaas at para sa paggamit ng karaoke o pagdudulot ng ingay ng lagpas ng alas 10 ng gabi.
Nanawagan din si PBGen Silvio sa lahat ng mga “QCitizens” na maayos na sumunod sa nasabing ordinansa, at kung mayroong nga emergency ay agad nilang itawag sa 911 o 122 para sa mabilis na pagresponde ng kapulisan.


