Nagtalaga ang Police Regional Office 3 (PRO-3) ng tinatayang nasa 13,000 PNP personnel sa iba’t ibang bahagi ng Central Luzon para sa selebrasyon ng Holy Week.
Ayon pa ni Police Brigadier General Jess Mendez, Regional Director ng PRO3 na layunin ng naturang deployment na tumbasan ang pagdagsa ng mga byahero at mga deboto sa buong rehiyon sa panahon ng Semana Santa.
“From our initial 2,000 personnel, we scaled up to more than 13,000 to ensure that our presence is felt where it matters most. Habang dumarami ang ating kababayan sa mga lansangan, mga simbahan at iba pang pook sambahan, mas pinapalakas din natin ang ating puwersa para sa kanilang kaligtasan,” saad pa ni PBGen Mendez.
Simula March 30, 2026, isasailalim na ang buong hanay ng PRO 3 sa full alert status para tutukan ang maximum police visibility sa buong rehiyon.
Ang naturang mga tauhan ay naatasang magpapatupad ng regular na mga inspeksyon maging sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan.
Pinaigting na rin ng PRO 3 ang kanilang mga foot at mobile patrol, habang mayroon na ring mga nakatalagang assistance desk sa mga pangunahing simbahan, transport terminal, highway, at iba pang mga convergence areas. Kasama ring dineploy ang kanilang mga road safety marshals upang bantayan ang maayos na daloy ng trapiko sa rehiyon.


