7 Dating miyembro ng NPA, boluntaryong sumuko sa Eastern Visayas PNP

0
310

Boluntaryong sumuko sa mga kapulisan ng Eastern Visayas ang nasa pitong mga dating miyembro ng New People’s Army (NPA) mula sa iba’t ibang lalawigan ng rehiyon nito lamang linggo.

Nangyari umano ang naturang mga pagsuko sa mga lalawigan ng Northern Samar, Samar, Leyte, at Eastern Samar, kung saan isinuko rin ng mga former rebel ang kanilang mga baril at mga explosives.

Naging posible ang naturang mga pagsuko sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagpapatupad ng batas ng mga kapulisan maging sa kanilang mga sari-saring community engagement efforts upang hikayatin ang nasabing mga grupo na tuluyan ng magbalik-loob sa pamahalaan.

Kinilala ang mga sumuko sa mga alyas na sina “Tibo,” 54; “Bongo,” 58; “Ador,” 50; “Jun,” 35; “Paing,” 40; at “Pikoy,” 65 — halos lahat sa kanila ay mga magsasaka. May isa pa umanong personalidad na may kaugnayan sa NPA na tumungo rin sa kanilang himpilan kasabay ng nasabing mga operation.

Kabilang sa narekober ng mga atworidad ang isang handgun revolver na may bala, isang caliber .38 revolver na may tatlong rounds ng ammunition, isang rifle grenade, at isang M26 grenade na mas kilala bilang “lemon grenade,” na walang serial number.

Pinuri naman ni Police Brigadier  General Jason Capoy, Regional Director ng Police Regional Office 8, ang lahat ng mga operatiba sa kanilang pagsisikap upang mapanatili ang kapayapaan sa buong rehiyon.

Aniya, “The surrender of these CTG members reflects the positive results of sustained police operations and strong community partnerships. We remain committed to assisting those who return to the fold of the law in leading peaceful and productive lives.”

Kasalukuyan namang inihahanda ng pulisya ang mga nararapat na dokumento para sa enrollment ng nasabing mga former rebel sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan na naglalayong mabigyan ang mga dating rebelde ng mga financial assistance, livelihood support, at iba pang mga social services bilang tulong sa kanilang pagbabalik-loob sa pamahalaan.

Source: https://newsinfo.inquirer.net/2186578/eastern-visayas-police-welcomes-surrender-of-7-npa-fighters