1,700 security personnel, idineploy sa 49th ASEAN meeting sa Iloilo

0
530

Tinatayang aabot sa mahigit 1,700 security personnel ang idineploy para magbantay sa seguridad ng 49th Meeting ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Economic Ministers na gaganapin sa lungsod ng Iloilo simula Pebrero 24 -27 ngayong taon.

Ito ang pahayag ni Police Regional Office (PRO) 6 Regional Director, Police Brigadier General Josefino D Ligan, sa ginanap na send-off ceremony sa nasabing mga security forces, kamakailan lamang na ginanap sa Camp Delgado, Iloilo City.

Sa 1,707 personnel, 1,547 dito ay mga pulis mula sa PRO6 na karamihan ay mula sa Iloilo City Police Office sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Wilbert Parilla.

Samantala, ang iba naman ay nanggaling mula sa contingent ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fire Protection (BFP).

Tiniyak naman ng pamunuan ng PNP Region 6 na buo ang kanilang pwersa maging ng kanilang hanay para tiyakin na ang ASEAN at iba pang mga saklaw na aktibidad nito ay magiging maayos, mapayapa at mapangasiwaan ng mabuti.

Samantala, mahigpit ding babantayan ng PNP ang iba pang pagdarausan ng iba pang mga event, mga VIPs at delegado ng 49th ASEAN Meeting na iniho-host ng bansa sa Visayas Region.

Matatandaan na ang mga naunang aktibidad ng ASEAN Meeting ay matagumpay na ginanap sa ilang mga lungsod ng Cebu at Bohol.

Source: https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/bansa/2026/02/22/2509555/1700-pulis-idineploy-sa-49th-asean-meeting-sa-iloilo