Pagtutulungan umano ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng pamumuno ng hepe nito na si Police General Jose Melencio C Nartatez, Jr., katuwang ang lahat ng mga local government units (LGUs) ang mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan kontra cigarette smuggling sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga koordinadong inspeksyon sa ilang mga kahina-hinalang bodega na posibleng ginagamit bilang imbakan ng mga sigarilyo sa bansa.
Saad pa ni PGen Nartatez na madaling makakuha ng mga impormasyon ang pulis at LGUs mula sa mga residente lalo na sa mga barangay officials upang mas mabilis matukoy at tuluyang mapasara ang mga bodega ng parehong mga iligal na sigarilyo.
Binanggit niya pa ang pagkakasabat ng multi-milyong pisong halaga ng mga smuggled na sigarilyo kamakailan lamang sa San Simon, Pampanga na nagmula sa impormasyon ng isang netizen, at ang pinakahuli sa Maguindanao del Norte na nanggaling din sa isang tip ng isang concerned citizen.
Samantala, binigyang-diin naman ni PGen Nartatez na lahat ng mga aksyon ng pulisya ay naaayon lamang sa tamang operational procedures upang maiwasan ang anumang uri ng suliraning legal at higit sa lahat magsilbi itong mabuting halimbawa sa komunidad kaugnay sa pagpapatupad ng batas.

