PNP, ipinamalas ang sining at serbisyo sa pagbubukas ng “Art of Service: Truth and Gallantry” Exhibit

0
522

Pormal nang binuksan ngayong Pebrero 23, 2026, ganap na alas-11 ng umaga, ang limang araw na off-camp PNP Museum Exhibit na pinamagatang “Art of Service: Truth and Gallantry” sa Ali Mall, Araneta City, Quezon City.

Ang nasabing eksibit ay tatagal hanggang Pebrero 27 at naglalayong ilapit sa publiko ang sining, kultura, at kasaysayan ng kapulisan bilang bahagi ng mas pinaigting na ugnayan sa komunidad.

Tampok sa pagbubukas ang makabuluhang “Untying of Traditional Cloth,” na nagsilbing hudyat ng pagsisimula ng eksibit. Sa pamamagitan ng seremonyang ito, ipinakita ang pagbubukas ng PNP sa mas malalim na pakikipag-ugnayan sa mamamayan sa pamamagitan ng sining at kultura.

Sinimulan ang programa sa welcome remarks ni Mr. Gary Romero, Property Manager ng Ali Mall, na nagpahayag ng suporta sa makabuluhang inisyatibo ng kapulisan. Sinundan ito ng mensahe ni PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief ng Philippine National Police (PNP), na kinatawan ni PBGen Jessie B. Tamayao, Executive Officer ng Directorate for Police Community Relations (DPCR).

Sa mensahe ni PNP Chief, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng sining upang higit na mapagtibay ang tiwala, suporta, at aktibong pakikilahok ng publiko sa laban kontra kriminalidad, insurhensiya, at terorismo.

Naging tampok din ang sabayang pagtanggal ng tradisyunal na tela nina PBGen Tamayao at Gary Romero, na sumisimbolo sa pagbubukas ng bagong yugto ng mas matibay na koneksyon ng PNP at komunidad.

Matapos ang seremonya, pinangunahan ni PLtCol Veronica P. Peñalosa, Acting Chief ng Historical and Cultural Affairs Division ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG), ang walkthrough ng eksibit kung saan itinampok ang iba’t ibang likhang-sining ng mga tauhan ng PNP na sumasalamin sa kanilang karanasan, sakripisyo, at pagmamahal sa bayan.

Dumalo rin sa okasyon sina PBGen Vina H. Guzman, Director ng PCADG; mga kinatawan mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA); mga opisyal ng Directorate for Police Community Relations at PCADG Command Group; mga miyembro ng PNPA Council of Arts; at iba pang senior officers, PNCOs, NUPs, at mga panauhin. Ang kanilang presensya ay sumisimbolo sa malawak na suporta sa programang nagtatampok sa kultura at sining sa hanay ng kapulisan.

Sa kabuuan, ang “Art of Service: Truth and Gallantry” ay hindi lamang isang art exhibit kundi isang makabuluhang pahayag na ang mga tauhan ng PNP ay hindi lamang tagapagpatupad ng batas kundi mga indibidwal ding may pusong makabayan at hangaring mamuhay sa isang mapayapa at maayos na pamayanan. Sa pamamagitan ng sining, higit na pinagtitibay ng PNP ang ugnayan nito sa mamamayan tungo sa mas inklusibo, makatao, at epektibong pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Bagong Pilipinas.