Mabilis na pagresponde ng PNP, nakaiwas sa trahedya sa Oriental Mindoro

0
807

Naiwasan ang posibleng madugong insidente matapos ang maagap na pagtugon ng Philippine National Police (PNP), sa pamamagitan ng Unified 911, sa isang family dispute sa Barangay Sta. Maria, Pinamalayan, Oriental Mindoro noong Enero 17, 2026.

Ayon sa ulat, isang 45-anyos na lalaki, na umano’y nasa impluwensiya ng alak at armado ng bolo, ang hinarap ang kanyang 24-anyos na anak na babae sa loob ng tahanan nito. Sa gitna ng pagtatalo, sinubukan umanong manaksak ng suspek subalit agad na namagitan ang asawa ng biktima upang pigilan ang pag-atake na nagresulta sa pagtamo ng sugat sa kamay ng suspek.

Mabilis na rumesponde ang mga pulis matapos maiparating ang tawag sa pamamagitan ng Unified 911 ng DILG. Agad na inaresto ang suspek at dinala sa ospital para sa gamutan, habang inihahanda na ng Pinamalayan Municipal Police Station ang kaukulang kaso laban sa kanya.

Ayon kay PLtGen Jose Melencio C. Nartatez C. Jr., Acting PNP Chief: “Our police officers acted immediately to stop the attack and protect the family. Mahalaga ang mabilis at maayos na pagtugon para mapanatiling ligtas ang bawat isa.”

Binigyang-diin din ni PLtGen Nartatez na ang maagap na aksyon at pakikipagtulungan ng mamamayan ang susi sa pagpigil ng mas malalang insidente. Aniya, “Public involvement is critical in keeping communities safe. Kapag nakikipagtulungan ang publiko sa pulisya, mas mabilis nating natutugunan ang banta at napipigilan ang mas malaking sakuna.”

Nananatiling mapagbantay at maagap ang buong pwersa ng PNP sa pagresponde sa mga hinaing ng publiko upang siguruhing ligtas at payapa ang bawat komunidad, sa ilalim ng adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”