Naisilbi ng mga operatiba ng Bocaue Municipal Police Station ang isang Warrant of Arrest laban sa isang suspek sa Barangay Batia, Bocaue, Bulacan, madaling-araw ng Enero 19, 2026, bandang alas-12:05 ng madaling araw.
Ayon sa ulat ni PLtCol Gilbert C Diaz, Hepe ng Bocaue MPS, kinilala ang suspek bilang si alyas “Just”, 31 taong gulang at residente ng Northville 5, Barangay Batia, Bocaue, Bulacan. Ang pag-aresto ay isinagawa sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Theft.

Habang isinasagawa ang paglalagay ng posas ng isa sa mga arresting officer, bigla umanong bumunot ng isang kitchen knife ang suspek at sinaksak ang isang pulis sa kaliwang pisngi. Dahil sa agarang banta sa kanyang buhay, napilitang ipagtanggol ng pulis ang kanyang sarili at pinaputukan ang suspek isang beses, na tumama sa kanang balikat nito.
Agad na dinala ang sugatang pulis at ang suspek sa Joni Villanueva Hospital, Bocaue, Bulacan para sa agarang medikal na atensyon. Nakumpiska sa pinangyarihan ng insidente ang isang kitchen knife at isang (1) basyo ng bala. Humingi na rin ng tulong ang himpilan sa Bulacan PFU para sa masusing imbestigasyon at dokumentasyon ng insidente.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Bocaue MPS kaugnay ng insidente, habang inihahanda ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa suspek.
Ang matagumpay na operasyon ng Bulacan Police Provincial Office, sa pamumuno ni PCol Angel L Garcillano, Provincial Director, ay patunay ng matatag na dedikasyon sa laban kontra kriminalidad. Ang mga pinaigting na hakbang na ito ay nagresulta sa pagkakaaresto ng wanted person, na lalo pang nagpapatibay sa kampanya laban sa kriminalidad sa buong lalawigan ng Bulacan. (PIO, Bulacan PPO)



