Arestado ang isang lalaki na sangkot sa serye ng robbery-extortion activities habang patuloy na pinaghahanap ang kasabwat na pulis ng mga tauhan ng Manila Police District – Station 11 sa ikinasang entrapment operation sa McDonald’s Fastfood Restaurant sa Juan Luna Street sa Plaza Ruiz, Binondo, Maynila nito lamang Linggo, Enero 18, 2026.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Inocencio Richard Villanueva, Station Commander ng Meisic Police Station 11 ng MPD, ang suspek na si alyas “Eduardo”, isang market researcher at nakatira sa No. 354 Gunao St., corner Arlegui St., Quiapo, Manila.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article 293 ng Revised Penal Code (Robbery-Extortion) at ang pulis na kasabwat nito ay mula sa CIDG Eastern Metro Manila- District Field Unit na patuloy na pinaghahanap.
Nakuha mula sa suspek ang Php200,000 at isang cellphone at maraming Binondo-based businessmen ang inaasahang magsasampa ng kaso.
Nanawagan naman ang MPD sa iba pang posibleng biktima na magharap din ng reklamo laban sa naarestong suspek upang mapagbayaran ang atrasong nagawa sa batas.



