PNP, nananatiling matatag sa pagpapatupad ng batas: 22 MWPs, inaresto; Php20-M halaga ng iligal na droga at kontrabando, nasamsam

0
394

Muling pinatunayan ng Philippine National Police (PNP) ang matatag at walang humpay na pagpapatupad ng batas matapos maaresto ang 22 Most Wanted Persons (MWPs) sa isinagawang sabayang operasyon sa loob ng 24-oras sa buong bansa mula Enero 15 hanggang Enero 16, 2026.

Kabilang sa mga naaresto ang Top 1 hanggang Top 10 MWPs sa regional level na nahaharap sa mabibigat na kaso tulad ng rape, statutory rape, murder, illegal recruitment, at paglabag sa Dangerous Drugs Act at Illegal Possession of Firearms. Isinagawa ang mga operasyon sa Luzon, Visayas, at Mindanao sa tulong ng Police Regional Offices at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Sa pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga, nasamsam ang Php7.96 milyong halaga ng shabu at sinira ang Php5.25 milyong halaga ng 26,250 Fully Grown Marijuana Plants sa Cordillera. Bukod dito, tatlong High Value Individuals ang matagumpay ding naaresto sa mga buy-bust operation sa Misamis Oriental at Quezon City.

Samantala, nasabat naman ng pulisya sa Davao del Sur ang Php7 milyong halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes na agad isinuko sa Bureau of Customs para sa wastong disposisyon at karagdagang imbestigasyon.

Pinuri ni PLtGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., Acting PNP Chief, ang kanyang mga tauhan sa kanilang dedikasyon at disiplina. Aniya, “Ito ang klase ng serbisyo na gusto nating maibigay—mabilis ang aksyon, tapat ang pagpapatupad ng batas, at higit sa lahat, nararamdaman ng tao. Kasama ang taumbayan, mas lalakas pa ang ating ginagawa.”

Tiniyak ng PNP na magpapatuloy ang mas pinaigting na operasyon upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at tiwala ng mamamayan sa ilalim ng adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”