Patuloy ang Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng Anti-Cybercrime Group (ACG) sa paghahatid ng matitibay na resulta sa kampanya laban sa cybercrime matapos maaresto ang 12 indibidwal na sangkot sa ilegal na online na bentahan ng electronic payment accounts at Automated Teller Machine (ATM) cards sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Isinagawa ang magkakaugnay na operasyon ng mga provincial at district cybercrime units mula Enero 6 hanggang Enero 11, 2026 sa Laguna, Caloocan City, Cebu City, Cavite, Lucena City, Quezon City, Lipa City, Taguig City, Camarines Sur, Cubao, at Davao City.
Ang mga naaresto, na may edad 18 hanggang 41, ay mahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act (RA 12010) kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175), pati na rin sa SIM Registration Act (RA 11934) at Access Devices Regulation Act (RA 8484).
Kabilang sa mga nahuli ang mga suspek na sangkot sa pagbebenta ng e-wallet accounts at ATM cards sa Laguna, Caloocan City, at Cebu City, gayundin ang iba pang indibidwal na nahuli sa magkakahiwalay na operasyon sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Sa pahayag ni PLtGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., Acting PNP Chief, binigyang-diin niya na hindi lamang pisikal na seguridad ang binabantayan ng PNP kundi pati ang online na transaksyon ng mamamayan. Aniya, “Ang ating mga cybercrime units ay patuloy na naghahatid ng serbisyong mabilis at tapat sa publiko. Hindi lang kami nagbabantay sa physical na seguridad, kundi pati na rin sa online transactions ng ating mga kababayan. Every scam we prevent, every criminal we arrest, is a protection we provide for our people.”
Sa gitna ng patuloy na pagdami ng online fraud sa bansa, lalo pang pinaigting ng PNP ang pagbabantay sa mga online financial services. Hinikayat din ang publiko na maging mapagmatyag at agad i-report ang anumang kahina-hinalang online activity sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya, PNP Anti-Cybercrime Units, o sa Unified 911.
Sisiguruhin ng PNP na magpapatuloy ang mga isinasagawang hakbang laban sa cybercrimes at iba pang uri ng kriminalidad bilang bahagi ng adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”



