6 Arestado sa Occidental Mindoro dahil sa paggamit ng iligal na net sa pangingisda

0
556

Arestado ang anim na mga mangingisda matapos mahuli ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), na gumamit umano ng iligal na mga kagamitan sa pangingisda nito lamang January 11, 2026.

Isinakatuparan umano ang nasabing operasyon dakong alas 4:30 ng umaga alinsunod sa programa ng PNP na Enhanced Managing Police Operations (EMPO) sa pangunguna ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Provincial Field Unit, katuwang ang Sablayan Municipal Police Station at ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), sa baybayin bandang Barangay Sta. Lucia I, Sablayan, Occidental Mindoro.

Agad inaresto ng mga awtoridad ang nasabing mga mangingisda habang kinumpiska naman ang kanilang mga iligal na kagamitan kabilang na rin ang isang fishing boat, fine mesh nets, at maging ng kanilang mga huling isda.

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 93 ng Republic Act 10654, kung saan mahigpit nitong ipinagbabawal ang paggamit ng mga iligal na kagamitan sa pangingisda saan mang bahagi ng bansa.

Bahagi rin ang nasabing operasyon sa mas pinaigting na OPLAN KALIKASAN ng CIDG alinsunod sa PNP’s core value na Makakalikasan, upang mapangalagaan ng maayos ang lahat ng mga yamang-dagat ng bansa.

“Sa pamamagitan ng mga ganitong operasyon, ipinapakita ng PNP ang seryosong pagtutok sa pagpapatupad ng batas at pangangalaga sa kalikasan, habang pinapangalagaan rin ang kapakanan ng komunidad,” ani PLtGen Nartatez.

“Maging mapagmatyag po tayo sa mga iligal na gawain sa inyong lugar. I-report ninyo ito, at agad naming aaksyonan ang sitwasyon,” saad pa niya.