10 Most Wanted Persons, arestado ng PNP; higit Php113M illegal drugs, nakumpiska

0
1022

Tinatayang nasa Php113.04 milyong halaga ng iligal na droga ang matagumpay na nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) habang naaresto naman ang 10 Most Wanted Persons sa magkakaibang mga operasyon sa loob lamang ng dalawang araw simula January 13-14, 2026 sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon sa inisyal na ulat, kabilang umano sa mga naaresto ang may mga mabibigat na kasong kinakaharap gaya na lamang ng rape, statutory rape, murder, robbery with frustrated homicide, at iba pang mga grave crimes.

Isinakatuparan ang naturang pag-aresto sa Albay, Cebu, Pangasinan, Cavite, Camarines Norte, Davao del Sur, at South Cotabato, kung saan matagumpay na nahuli ang Top 6, Top 7, Top 9, at Top 10 regional most wanted fugitives.

“These arrests show that there is no safe place for criminals who continue to evade the law. Malinaw ang mensahe namin—wala nang puwang ang mga kriminal na patuloy na nagtatago sa batas. Isa-isa silang huhulihin sa pamamagitan ng mas pinaigting at intelligence-driven operations,” saad pa ni Acting Chief, PNP, PLtGen Jose Melencio C Nartatez Jr.

Sa kampanya naman kontra iligal na droga, matagumpay na sinira ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at PDEA ang nasa 137,000 Fully Grown Marijuana Plants sa Benguet at Kalinga, na may kabuuang halaga na Php27.5 Million.

Samantala, sa National Capital Region, naaresto naman ng mga operatiba ang isang High Value Individual (HVI) sa Pasay City matapos makuhanan ng 12 kilograms ng shabu na mayroong estimated street value na Php81.6 million.

“Bawat kilo ng shabu at bawat tanim ng marijuana na nasisira ay katumbas ng mga pamilyang naililigtas at mga kabataang hindi nalululong sa droga. Tuloy-tuloy ang laban namin—mula street-level hanggang High Value Individuals,” ani PLtGen Nartatez.

Sa Bukidnon naman, narekober ng pulisya sa isang checkpoint operation ang nasa Php3.48 milyong halaga ng mga kontrabandong sigarilyo kung saan naaresto ang dalawang indibidwal.

“Ang mga operasyong ito ay malinaw na patunay na seryoso ang PNP sa pagpapatupad ng ating PNP Focus Agenda. Kasunod ito ng malinaw na direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.—na ang batas ay dapat gumana para sa mamamayan, at ang kapayapaan at kaayusan ay dapat tunay na nararamdaman,” dagdag pa ni PLtGen Nartatez.