Isinagawa ang Barangay Drug Clearing and Intelligence Workshop para sa Drug Clearing Program ng Cagayan PPO katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency sa Camp Tirso H Gador, Tuguegarao City, Cagayan ngayong araw, Enero 13, 2025.
Ang aktibidad ay dinaluhan ng mga nasa 10 munisipalidad ng Cagayan- Aparri, Baggao, Buguey, Claveria, Camalaniugan, Gonzaga, Piat, Rizal, Sanchez Mira, at Tuguegarao City, katuwang ang kanilang mga Barangay Officials, BADAC Officers kasama ang MCAD Focal Person at Intelligence personnel ng Provincial Intelligence Unit.

Ang naturang aktibidad ay isang workshop para sa drug clearing at retention ng mga nabanggit na barangay na layong bigyang solusyon ang mga problemang nakakaharap ng mga ito upang tuluyang madeklara bilang drug-cleared ang kani-kanilang mga lugar.
Sa kabuuan, 15 pang barangay ang isinailalim sa workshop para maproseso ang deklarasyon ng kanilang drug clearing, habang 20 barangay naman ang tinutukan para sa retention ng drug-cleared status, bilang bahagi ng patuloy na kampanya upang mapanatili ang ligtas at maayos na komunidad.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Provincial Director, PCol Mardito G Anguluan, ang kahalagahan ng aktibong partisipasyon ng mga barangay at ang patuloy na koordinasyon sa pagitan ng kapulisan, lokal na pamahalaan, at iba pang ahensya upang maging matagumpay ang laban kontra ilegal na droga.

Samantala, nagpaabot din ng mensahe si Regional Director, Dir. III Gil Cesario P Castro, PDEA, RO2 na nagpahayag ng buong suporta ng pamunuan sa mga inisyatibong naglalayong mapanatili ang drug-cleared status ng mga barangay at maideklara na ring drug-cleared ang iba pang naiwang mga barangay.
Tinalakay naman ni IO II Rovina Littaua ang mga pamantayan na kailangang sundin para sa drug clearing at retention, upang matiyak ang pagsunod sa itinakdang proseso at mapanatili ang integridad ng proseso ng Drug Clearing.
Ang workshop na ito ay patunay ng patuloy na pagsusumikap ng kapulisan, mga lokal na opisyal, at ng PDEA na palakasin ang kampanya kontra ilegal na droga at tiyakin ang kaligtasan ng bawat komunidad.



