Mahigit 1,700 Wanted Persons, naaresto ng PRO CAR noong 2025

0
442

Sa pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad sa rehiyon, umabot sa 1,744 wanted persons ang naaresto ng Police Regional Office–Cordillera (PRO-Cordillera) noong 2025.

Ayon kay Police Brigadier General Erickson Dilag, Regional Director ng PRO CAR, kabilang sa mga naaresto ang 354 Most Wanted Persons, na binubuo ng 64 sa regional level, 155 sa provincial level, at 135 sa municipal level.

Nanguna ang Baguio City Police Office sa pinakamaraming naitalang pag-aresto na may 627 wanted persons na nadakip, sinundan ng Benguet Police Provincial Office na may 480. Sumunod naman ang Abra at Kalinga PPO na may tig-155 naaresto, Ifugao PPO na may 121, Apayao PPO na may 102, Mountain Province PPO na may 97, at pitong pag-aresto na isinagawa ng Regional Headquarters.

Binigyang-diin ni PBGen Dilag na ang tagumpay ng mga operasyon ay hindi lamang dahil sa dedikasyon at walang sawang pagsisikap ng mga tauhan ng PRO-Cordillera, kundi pati na rin sa aktibong suporta at pakikipagtulungan ng mga komunidad, barangay officials, at iba pang lokal na stakeholders. Aniya, mahalagang bahagi ng kampanya ang tiwala at kooperasyon ng publiko.

Aniya, “The success of the operations was not only due to the dedication and relentless efforts of PRO-Cordillera personnel, but also to the strong support and cooperation of communities, barangay officials, and local stakeholders.”

Hinikayat ng PNP ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad iulat ang mga kahina-hinalang gawain upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon.

Source: https://www.pna.gov.ph/articles/1266377