San Jose del Monte PNP, agad tumugon sa nasusunog na truck sa Bulacan

0
620

Pinuri ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan ng San Jose del Monte (SJDM) City Police Station sa kanilang maagap at malasakit na pagtugon matapos tumulong sa pag-apula ng apoy sa isang truck sa isang mataong kalsada sa Bulacan nitong Biyernes ng gabi, Enero 2, 2026.

Bandang alas-6:07 ng gabi, habang nagsasagawa ng mobile patrol ang mga pulis na pinamumunuan nina PSSg Arjel Torres at Pat Gerwin Bihasa sa Road 2, Barangay Minuyan, Lungsod ng San Jose del Monte, napansin nila ang isang Mitsubishi L300 truck na nasusunog na.

Agad silang huminto at tumulong sa pag-apula ng apoy, kasabay ng pagsisiguro sa lugar upang maiwasan ang karagdagang panganib sa mga dumadaang motorista at mga residente sa paligid.

Dahil sa kanilang mabilis na aksyon, agad na nakontrol ang sunog, naging ligtas ang sitwasyon, at walang naitalang nasaktan o karagdagang insidente.

Pinuri naman ni Acting Chief PNP, PLtGen Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang ipinakitang dedikasyon at malasakit ng mga pulis ng SJDM.

“Hindi ito tungkol sa arrest o operasyon—ito ay tungkol sa malasakit,” ani PLtGen Nartatez. “When our police officers see danger, umaaksyon agad sila. This is the kind of service our people expect from the PNP.”

Binigyang-diin din ng Acting Chief PNP, PLtGen Nartatez na ang ganitong mga gawain ay nagpapakita ng tunay na diwa ng serbisyo ng kapulisan.

“Maaring simpleng tulong lang itong masasabi, pero malaking bagay sa mga taong apektado. These actions prevent bigger harm and save lives. I’m proud of our personnel who continue to do the right thing.”

Muling iginiit ng PNP na bukod sa pagpapatupad ng batas, patuloy itong nagsisilbing katuwang ng komunidad sa oras ng pangangailangan. Alinsunod sa adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” patuloy na pinatutunayan ng kapulisan na ang tunay na serbisyo ay hindi lamang nakikita, kundi agarang nararamdaman ng mamamayan.