PNP, MMDA, magkatuwang sa pagpapanatili ng kaayusan sa Trillion Peso March 2.0

0
932

Bilang paghahanda sa malawakang kilos-protesta ngayong araw ng Linggo, Nobyembre 30, 2025, isa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga katuwang na ahensya ng Pambansang Pulisya upang siguruhing maayos at makabuluhan ang pagsasagawa ng Trillion Peso March rally sa buong kaMaynilaan.

Madaling araw pa lang ay nakaantabay na ang mga tauhan ng nasabing ahensya upang ipatupad ang kanilang traffic management plans, na kanilang masinsinang plinano ilang araw din bago ang nakatakdang araw ng demonstrasyon.

Sa kanilang traffic plan, inaasahan na nila ang pagdagsa ng maraming mga kalahok at motorista kung kaya’t naglunsad sila ng traffic rerouting scheme upang tiyakin ang tuloy-tuloy na daloy ng trapiko lalo na sa mga matataong lugar.

Nananawagan ang MMDA sa mga motorista na piliin ang mga alternatibong daanan, at iwasan ang mga lugar na dagsaan ng mga raliyista, lalo na sa may bandang EDSA-Ortigas, EDSA-Santolan, Northbound EDSA, at EDSA-Connecticut Southbound, upang hindi maantala ang biyahe.

Patuloy ang isinasagawang monitoring at koordinasyon sa pagitan ng PNP at MMDA upang panatilihin ang maayos na daloy ng trapiko at masiguro ang kaligtasan ng lahat ng motorista at kalahok sa malayang pamamahayag.