Arestado ang dalawang indibidwal ng mga tauhan ng Maritime Law Enforcement Team (MLET) – Eastern Samar sa magkahiwalay na anti-illegal logging operation na isinagawa madaling araw ng Nobyembre 12, 2025, sa Barangay 1, Can-avid, Eastern Samar.
Ang naturang operasyon ay isinagawa bilang tugon sa impormasyong ibinahagi ng isang concerned citizen hinggil sa patuloy na iligal na pagtotroso sa naturang lugar.

Matagumpay nilang nasakote ang unang suspek na si alyas “Gen”, 33 taong gulang, may asawa, tricycle driver, at residente ng Barangay 2, Can-avid, Eastern Samar.
Nasamsam mula sa kanya ang tinatayang 100 piraso ng 2”x2”x12” Lawaan lumber na may kabuuang 400 board feet at tinatayang nagkakahalaga ng Php36,000, pati na rin ang isang Honda XRM 125 (pula-puti) na motorsiklo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php30,000.
Pagkalipas lamang ng ilang minuto, bandang 3:56 ng umaga, isang kasunod na operasyon ang nagresulta sa pagkakaaresto ng ikalawang suspek na si alyas “Job”, 48 taong gulang, may asawa, construction worker, at residente ng Barangay 4, Can-avid, Eastern Samar.
Nakumpiska mula sa kanya ang 50 piraso ng 2”x2”x12” Lawaan lumber na may kabuuang 200 board feet at tinatayang nagkakahalaga ng Php18,000, kasama ang isang Honda XRM 125 (itim, walang plaka) na motorsiklo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php35,000.

Ang dalawang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag ng Section 68 ng Presidential Decree No. 705 o “Forestry Code of the Philippines”, na mahigpit na nagbabawal sa anumang pagputol, pag-ani, o pagkuha ng mga produktong gubat nang walang kaukulang lisensya mula sa awtorisadong ahensya ng pamahalaan.
Ang matagumpay na operasyon na ito ay patunay sa walang humpay na dedikasyon ng PNP Maritime Group sa pagpapatupad ng batas at sa pangangalaga sa likas-yaman ng bansa, alinsunod sa direktiba ng pambansang pulisya para sa “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



