Public Service on Wheels: NCRPO naghatid ng libreng sakay sa gitna ng transport strike

0
887

Ipinakita ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang malasakit at pagtugon sa pangangailangan ng publiko sa pamamagitan ng programang “Libreng Sakay” na isinagawa ngayong Miyerkules, Setyembre 17, 2025.

Pinangunahan ni Police Major General Anthony A. Aberin, Regional Director ng NCRPO, ang pagpapatupad ng libreng sakay na inilaan sa iba’t ibang pangunahing kalsada at rutang apektado ng tigil-pasada. Ipinakalat ang mga sasakyan ng pulisya kabilang ang buses, patrol cars, at trucks upang masigurong maihatid nang ligtas at mabilis ang mga mamamayan sa kanilang pupuntahan.

Ayon kay PMGen Aberin, patuloy ang kanilang inisyatibo na tiyakin ang kaligtasan, kapakanan, at kaginhawaan ng publiko lalo na sa oras ng pangangailangan. Dagdag pa niya, “Hindi lamang seguridad ang ating prayoridad kundi maging ang pagbibigay ng agarang tulong at serbisyo sa ating mga kababayan upang hindi maantala ang kanilang pang-araw-araw na gawain.”

Kaugnay nito, nakipag-ugnayan din ang NCRPO sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno upang mas mapalawak ang saklaw ng libreng sakay at mapadali ang daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Sa pamamagitan ng programang ito, muling pinatunayan ng NCRPO ang kanilang pangakong “Serbisyong may Malasakit” para sa kapakanan ng bawat Pilipino at layunin nitong matulungan ang mga komyuter na nahirapang bumiyahe bunsod ng isinagawang transport strike.