Nailigtas ng mga otoridad at rescuers ang dalawang menor-de-edad na tinangay ng malakas na agos ng tubig sa Tarlac River Irrigation sa Sitio Pangulo, Barangay Carangian, Tarlac City nito lamang Miyerkules, ika-3 ng Setyembre 2025.
Mabilis na rumesponde ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno para isagawa ang search and rescue operation na pinangunahan ng Tarlac Provincial Police Office sa pamumuno ni Police Colonel Franklin P Estoro, katuwang ang City at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO/CDRRMO), City Public Order and Safety Office (POSO), Bureau of Fire Protection (BFP), mga rescue divers mula sa Philippine Coast Guard Pampanga Station, at Barangay Peacekeeping Action Team ng Tarlac City.
Kinilala ang mga bata sa alyas na “Jansen” at Kenvin, pawang 13 taong gulang at residente ng lungsod.
Ayon sa imbestigasyon, bandang 2:00 ng hapon ay huling namataan ang dalawa habang tumatawid sa ilog. Dahil sa biglaang lakas ng agos ng tubig, nai-ulat na tinangay at napaulat na nawawala.
Makalipas ang halos 24 oras na masusing operasyon, natagpuan na buhay at ligtas ang dalawang kabataan bandang 1:25 ng hapon ng Setyembre 4, 2025.
Patunay ang insidenteng ito ng tapang at pagkakaisang alay sa serbisyo. Muling paalala ng mga awtoridad: iwasan ang ilog kapag malakas ang agos upang maiwasan ang kapahamakan.
Panulat ni Patrolwoman Lixen Reyz A Saweran



