Pumanaw ang isang miyembro ng 1301st Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 13 (RMFB13), makalipas ang mahigit dalawang linggo mula nang masugatan sa isang lihitimong operasyon sa Barobo, Surigao del Sur nito lamang Agosto 10, 2025.
Si Patrolman Jankent Caalim Tuazon, 28-anyos, residente ng Purok 1, Magaud, Loreto, Agusan del Sur, ay pumasok sa serbisyo ng Philippine National Police (PNP) noong Oktubre 15, 2018.
Kilala ito sa kanyang katapangan at dedikasyon sa tungkulin.
Nabatid na noong Hulyo 25, bandang 8:00 ng umaga, ipinatupad ang Search Warrant No. 2025-41 laban sa isang alyas “Luisa” para sa paglabag sa Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” sa Barangay Bahi, Barobo.
Habang isinasagawa ang knock and announce procedure, nadikit si Patrolman Tuazon sa isang metal fence na may kuryente, dahilan ng kanyang pagkakakuryente at nawalan ng malay.
Agad itong isinugod sa San Francisco Doctors Hospital, kung saan na-diagnose na may cardiac arrhythmia secondary to electrocution.
Kalaunan, inilipat siya sa Allied Care Experts (ACE) Medical Center – Butuan, kung saan natukoy na mayroon itong hypoxic encephalopathy secondary to post-arrest dulot ng electrocution.
Noong Agosto 4, personal itong binisita ni Police Brigadier General Marcial Mariano Magistrado IV, Regional Director ng Police Regional Office 13, kasama sina Police Lieutenant Colonel Michael Lozada, Officer-In-Charge ng Regional Mobile Force Battalion Caraga, Police Colonel Filemon Pacios, Police Lieutenant Colonel Marlon Kamatoy, at Police Major Roger Leyson upang igawad ang Medalya ng Sugatang Magiting at nagpaabot ng tulong pinansyal sa kanyang pamilya.
Noong Agosto 10, bandang 6:44 ng gabi, nakaranas si Patrolman Tuazon ng cardiac arrest sa ICU ng ACE Medical Center at idineklara nang patay bandang 7:19 ng gabi.
Nagpaabot ng taos-pusong pakikiramay ang buong RMFB13 sa pamilya, kaibigan, at mga kasamahan ni Patrolman Tuazon.
“Patrolman Tuazon embodied the true spirit of service—fearless in the face of danger, unwavering in his commitment to the law, and deeply devoted to protecting our people. His courage will forever inspire us, and his sacrifice will never be forgotten,” ani PLtCol Lozada.
Panulat ni Pat Karen Mallillin



