4 Katao, nasakote sa buy-bust ng SPD; Php205K halaga ng shabu, nasabat

0
769

Nasakote ang apat na drug suspects at nasabat ang tinatayang mahigit Php205,000 halaga ng hinihinalang shabu sa magkahiwalay na buy-bust operations na isinagawa ng mga tauhan ng Southern Police District sa lungsod nito lamang Hulyo 26, 2025.

Ayon kay Police Brigadier General Randy Y. Arceo, Acting District Director ng SPD, naganap ang unang operasyon sa Makati City dakong alas-6:02 ng umaga, sa pangunguna ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at pakikipagtulungan ng Sub-Station 7 sa Masilang Street, kanto ng Kalayaan Avenue, Barangay Guadalupe Nuevo.

Nadakip ang dalawang 44-anyos na call center agents na nakilala na sina alyas na “Ugor” at “Jehan”.

Nasamsam ang tinatayang 15 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php102,000, buy-bust money, mga karagdagang sachet ng ilegal na droga, coin purse, cellphone, motorsiklo, at susi nito.

Ayon pa kay PBGen Arceo, nangyari naman ang isa pang operasyon sa pangunguna ng Pasay City SDEU sa Victor Street, Brgy. 62, Zone 8.

Naaresto ang dalawang Street Level Individuals na kinilalang sina alyas “Pak,” 26-anyos, isang babaeng construction worker, at alyas “Bebe,” 49-anyos, isang sound system crew.

Nakumpiska ang tinatayang 15.2 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php103,360, tatlong sachets ng ilegal na droga, cellphone, at marked money.

Kaso sa ilalim ng Sections 5 at 11 o 13, Article II ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” ang kakaharapin ng mga suspek.

Ang matagumpay na operasyon ay dahil sa suporta ng mamamayan para sa mabilis at epektibong serbisyo publiko ng PNP tungo sa isang Bagong Pilipinas.