Habal – habal driver, arestado sa buy-bust; Php1M halaga ng shabu, nasabat

0
356

Arestado ang isang habal-habal driver sa ikinasang buy-bust operation ng Ajuy Municipal Police Station sa NHA Pabahay, Barangay Tipakla, Ajuy, Iloilo nito lamang ika-21 ng Hunyo 2025.

Ang operasyon ay pinangunahan ng Ajuy Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Captain John Michael Dalipe, Chief of Police katuwang ang Iloilo Police Provincial Office – Provincial Drug Enforcement Unit (IPPO-PDEU), 2nd Iloilo Provincial Mobile Force Company (2nd Iloilo PMFC) at ang Iloilo Maritime Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “Bagtik”, 42 taong gulang at residente ng Central Ajuy at naitala bilang High Value Individual.

Narekober sa naturang operasyon ang siyam (9) na sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit kumulang 150 gramo at may Standard Drug Price na Php1,020,000.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.

Ang tagumpay na ito ay nagpapakita ng matibay na dedikasyon at pagtutulungan ng komunidad at pulisya sa pagsugpo sa iligal na droga at pagpapalakas ng mga operasyon kontra kriminalidad sa buong rehiyon.

Patuloy ang kampanya ng PNP sa pagtugis ng mga sindikato at paggamit ng mga makabagong taktika upang mapanatili ang kaligtasan at kapakanan ng bawat mamamayan.

Source: Aksyon Radyo Iloilo 720

Panulat ni Pat Andrea Dominique Depalubos