Kinilala ang dalawang Opisyal ng Cagayano Cops bilang Outstanding Police Officers 2025 mula sa JCI Manila – Ignacio B. Gimenez Award na ginanap sa Ramon Magsaysay Center, Roxas Boulevard, Malate, Manila kahapon, ika-23 ng Hunyo 2025.
Kabilang sina Police Major Abdel Aziz D Maximo, Acting Force Commander ng 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company at Police Captain Ian Michael B Acasili, Operations Officer ng 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company sa dalawampung (20) piling pulis mula sa iba’t ibang panig ng bansa na kinilala matapos dumaan sa masusing screening process.

Ang JCI Manila – Ignacio B. Gimenez Award ay isang taunang parangal mula sa Junior Chamber International Manila at Ignacio B. Gimenez Foundation, sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police (PNP). Iginagawad ito sa mga miyembro ng kapulisan na nagpamalas ng natatanging kahusayan, katapangan, at integridad sa pagtupad ng kanilang tungkulin para sa bayan.
Itinatampok sa pagpili ng mga awardee ang kanilang makabuluhang kontribusyon sa larangan ng public safety, peace and order, at community relations, mga gawaing nagpapatibay ng tiwala sa publiko sa ilalim ng pamumuno ni PMaj Maximo, naging mas epektibo ang mga kampanya ng 1st Cagayan PMFC laban sa insurgency at kriminalidad, partikular sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs) ng Cagayan.
Samantala, si PCpt Acasili ay pinuri sa kanyang kahusayan sa operasyon, pagpaplano, at pagpapatupad ng mga programang nagtataguyod ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad. Ang kanilang tagumpay ay hindi lamang personal na karangalan kundi tagumpay din ng buong Cagayano Cops at ng mga mamamayang kanilang tapat na pinaglilingkuran.
Ito ay isang patunay na ang sipag, dedikasyon, at tunay na malasakit sa bayan ay nararapat na kilalanin at ipagdiwang.
Source: 1st Cagayan PMFC
Panulat ni PCpl Kelvin Paul Juan



