Ilegal na droga at baril, narekober ng Banate PNP sa Iloilo

0
745

Narekober ng mga operatiba ng Banate Municipal Police Station sa dalawang indibidwal ang ilegal na droga at baril sa isinagawang drug buy-bust operation sa Barangay Belen, Banate, Iloilo nito lamang ika-24 ng Pebrero 2025.

Kinilala ni Police Captain Randy Lambungan, hepe ng Banate MPS, ang mga arestado na sina alyas “Bek-Bek,” na siyang itinuturing na pangunahing target ng operasyon, at si alyas “Jojo,” isang 45-taong gulang.

Ayon kay PCpt Lambungan, umabot ng dalawang linggo ang kanilang pagmamasid at pagsubok na makuha ang mga suspek sa aktong paggawa ng iligal na transaksyon.

Narekober mula sa mga suspek ang humigit kumulang 10 gramo ng hinihinalang shabu, na mayroong Standard Drug Price na Php68,000.

Dagdag pa rito, nakuha rin mula kay alyas “Jojo” ang isang caliber .38 na baril.

Ang mga suspek ay nasa pangangalaga ng Banate Municipal Police Station at sasailalim sa tamang proseso ng legal na hakbang upang matiyak ang wastong disposisyon ng kanilang kaso.

Ang matagumpay na operasyon na ito ay isang patunay ng walang humpay na pagsisikap ng mga kapulisan upang sugpuin ang kalakalan ng iligal na droga at armas sa rehiyon.

Patuloy naman ang Banate MPS sa kanilang operasyon laban sa mga iligal na aktibidad sa kanilang nasasakupan, at nanawagan ng kooperasyon mula sa mga mamamayan upang maging matagumpay ang mga hakbangin ng kapulisan.

Source: Bombo Radyo Iloilo

Panulat ni Pat Glydel V Astrologo