Tinatayang Php14,280,000 halaga ng shabu ang nasabat sa isang High Value Individual sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Tacloban City PNP sa Barangay 62-B, Tacloban City nito lamang Nobyembre 18, 2024.
Kinilala ni Police Major Juan Eliezer A Abellon, Chief of Police ng Tacloban City Drug Enforcement Unit, ang suspek na si alyas “Jade”, 38 anyos, construction worker at residente ng Barangay 62-B, Tacloban City.
Bandang 3:57 ng hapon nang ikasa ang operasyon ng mga tauhan ng Tacloban City Police Office – City Drug Enforcement Unit, kasama ang Tacloban City Intelligence Unit at Regional Intelligence Division 8 sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency 8.
Narekober sa suspek ang 42 pakete ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 2.1 kilo na nagkakahalaga ng Php14,280,000, isang genuine 500-peso bill kasama ang 81 pirasong Php1,000, Php500 bill na ginamit bilang buy-bust money at isang itim na backpack.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 Article II ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng masigasig na hakbang ng Tacloban City PNP katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno sa kampanya laban sa ilegal na droga upang matiyak ang kaayusan at kapayapaan sa kanilang nasasakupan. Dahil sa Bagong Pilipinas, ang gusto ng pulis, ligtas ka!.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Elena B Singian