Naging benepisyaryo sa isinagawang Dental Mission ang mga batang nasangkot sa mga paglabag sa batas o tinatawag na Child in Conflict with the Law (CICL) na pinangunahan ng Regional Medical and Dental Unit 2 katuwang ang Provincial Health Unit ng Cagayan Police Provincial Office na ginanap sa Lingu, Solana, Cagayan nitong Pebrero 20, 2024.
Ang mga batang nasa Regional Haven for Women and Girls, Regional Rehabilitation for Center for Youth at Reception and Study for Children ang naging benepisyaryo na nakatanggap ng iba’t ibang serbisyo katulad ng paglalagay ng fluoride para sa mga batang edad lima pababa, pagsasagawa ng cleaning at tooth extraction, at pamamahagi ng health kits.

Nagkaroon din ng talakayan at nagbahagi ng impormasyon tungkol sa ilegal na droga at masamang epekto sa katawan ng paninigarilyo.
Ang mga napiling benepisyaryo ay kabilang sa mga inabandona ng kanilang mga magulang at mga batang kababaihan na biktima ng rape at child-trafficking.
Ayon kay Police Major Rolando Laderas ng RMDU 2 patuloy na magsasagawa ang kanilang yunit ng ganitong aktibidad upang magbigay ng libreng serbisyo sa mamamayan at ipadama ang malasakit ng kapulisan sa ating mga kabataan na nalihis ang landas at mga naging biktima ng karahasan.
Ang aktibidad ay alinsunod sa PNP Core Values na Makatao na naglalayong palakasin ang ugnayan ng pulisya at komunidad tungo sa maunlad at mapayapang Bagong Pilipinas.
Source: Cagayan Police Provincial Office
Panulat ni Pat Richelle B Ledesma