Tinatayang Php14.6 milyong halaga ng shabu ang nasabat ng pulisya sa isinagawang buy-bust operation sa Purok 5, Barangay Mayacabac, Dauis, Bohol nito lamang Linggo, Pebrero 18, 2024.
Kinilala ni Police Colonel Lorenzo Alfeche Batuan, Provincial Director ng Bohol Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Gardson”, 32, High Value Individual, at residente ng Barangay San Isidro, Tagbilaran City.
Ayon kay Police Colonel Batuan, isinagawa ang operasyon pasado alas singko ng hapon sa pinagsanib puwersa ng mga operatiba ng Dauis Drug Enforcement Team sa pangunguna ni Police Lieutenant Thomas Zen B Cheung, Chief of Police at Provincial Intelligence Unit ng Bohol Police Provincial Office, sa pamumuno ni Police Lieutenant Colonel Joemar S Pomarejos, Chief PIU, na humantong sa pagkakaaresto sa suspek.
Nakuha mula sa suspek ang nasa 2.15 kilo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na Php14,620,000, isang unit ng Oppo Android Cellphone, isang brown/gray back pack, buy-bust money.
Maliban sa droga, nakuhanan din ang suspek ng isang piraso ng genuine one thousand peso bill na nakapatong sa 119 piraso ng pekeng one thousand peso bills na may kabuuang halaga na Php120,000.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Seksyon 5 at 11, Artikulo II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng dedikasyon ng mga kapulisan upang suportahan ang programa ng pamahalaan kontra droga at maging daan tungo sa isang mas maunlad at ligtas na Bagong Pilipinas.
Source: Spot Report from Dauis MPS
Panulat ni Pat Carla Jane Tanio