Muntinlupa City – Tinatayang nasa mahigit Php13 milyong halaga ng shabu ang nasabat sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) na nauwi sa pagkakadakip sa dalawang suspek nito lamang Sabado, ika-6 ng Enero 2024.
Kinilala ni PMGen Jose Melencio Nartatez Jr, Regional Director ng NCRPO, ang mga suspek na sina alyas “Jonny”, 42, at alyas “Lyn”, 40 na parehong nauugnay sa “Coplan Sais-Strong Ice.”
Ayon kay PMGen Nartatez Jr, naganap ang joint operation bandang alas-7:00 ng gabi sa isang subdivision sa kahabaan ng Tunasan, Muntinlupa City ng PDEA RO-NCR NDO, PDEA RO-NCR SDO, SDEU, Muntinlupa City Police Station at Muntinlupa CPS Tunasan Substation.
Nakuha ng mga operatiba ang dalawang foil pack na may label na “GUANYINWANG” na may mga character na Chinese. Ang mga pakete ay naglalaman ng humigit-kumulang 2,000 gramo na pinaghihinalaang shabu na may tinatayang street value na Php13,600,000. Bukod pa rito, narekober din ang mga sari-saring ID ng mga suspek.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakatakdang magsagawa ng karagdagang imbestigasyon ang mga awtoridad para mahuli ang mga kasama ng mga suspek.
Source: RPIO NCRPO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos