Nagbalik-loob sa pamahalaan ang kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF – Karialan Faction sa punong himpilan ng Sultan Kudarat Police Provincial Office, Kalawag 2, Isulan, Sultan Kudarat, bandang 11:00 ng umaga nito lamang Enero 5, 2024.
Kinilala ni Police Colonel Christopher Bermudez, Provincial Director ng Sultan Kudarat Police Provincial Office, ang sumuko na si alyas “Brando”, 33, walang asawa, magsasaka, at residente ng Brgy. Dalgan, Pagalungan, Maguindanao del Sur.
Isinuko din ni Brando ang bitbit nitong armas na isang yunit ng 9mm UZI pistol na may kasamang magazine at granada.
“Nais ko na pong magbagong buhay. Nakikita ko po ang panibagong buhay ng mga dati po naming kasamahan na una ng nagbalik-loob sa gobyerno na mas tahimik at mas maayos na ang kanilang pamumuhay”, pahayag ni Brando.
Ikinagalak naman ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang pagsuko nito at nananawagan sa mga natitira pang mga kasapi ng BIFF na magbalik-loob sa gobyerno at yakapin ang inaalok na kapayapaan ng pamahalaan.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin