Iginawad ng Ilagan Component City Police Station ang kanilang pangalawang proyektong pabahay sa benepisyaryong mag-asawa sa Barangay Pasa, City of Ilagan noong ika-3 ng Nobyembre 2023.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Lord Wilson J Adorio, Hepe ng Ilagan Component City Police Station, ang napiling benepisyaryo ay ang mag-asawang Jonie Marcos na dating nakatira lamang sa isang barung-barong na bahay, may limang anak at ang tanging ikinabubuhay ay ang pagiging katulong ng naturang ginang at ang pagtatrabaho naman sa isang poultry si Jonie.

Ayon pa kay PLtCol Adorio, ang ganoong sitwasyong ng mag-anak ang pumukaw sa atensyon at damdamin ng kapulisan ng Ilagan na dahilan upang pagkalooban ang mga libreng bahay mula sa Pabahay Project na naging posible dahil sa suporta at tulong pinansyal ng lokal na pamahalaan, iba’t ibang stakeholders at iba pang kapulisan.
Emosyonal naman na nagpaabot ng pasasalamat ang ginang sa napakagandang biyayang handog sa kanyang pamilya at kanya ring isinalaysay ang kanilang paghihirap sa kanilang dating bahay lalo na tuwing umuulan dahil pinapasok ito ng tubig na sanhi ng pagkabasa nila maging ang kanilang mga kagamitan

Bukod sa libreng pabahay na nagkakahalaga ng humigit kumulang Php330,000, nakatanggap din ng divan, kama, dining set, stand fan, foam mattress, dish cabinet, gas stove, liquified petroleum gas at Php5,000 ang pamilya Marcos.
Pinangunahan ni Police Colonel Marcial Mariano Magistrado IV, Deputy Regional Director for Administration ng Police Regional Office 2, ang Turn-over at Blessing ng naturang pabahay kasama sina Police Colonel Julio Go, Director ng Isabela PPO, 1st Isabela PMFC, Regional Mobile Force Battalion 2, Hon. Gaylor M. Malunay, Presidente ng Liga ng mga barangay at Rev. Fr. Hilarion Sucuano II, Assistant Parish Priest ng Saint Ferdinand Parish.
Naroroon rin ang LGU officials ng City of Ilagan, l Gamu Legends CV Eagles Club, CSIIG, CCW, Kabalikat Civicom, Brgy. Officials, Life Coach, at mga miyembro ng National Coalition ng Lingkod Bayan Advocacy Support Groups at Force Multipliers na nagbigay suporta sa naturang aktibidad.
Ang proyektong pabahay ay tuloy- tuloy na isasagawa ng PNP upang maipakita pa ang mas malalim na ugnayan sa mamamayan.
Source: Ilagan CCPS