Lanao Del Sur – Tinatayang Php170,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang arestadong lalaki sa isinagawang PNP checkpoint sa Brgy. Pagalongan Masioon, Ditsa-an Ramain, Lanao del Sur nitong ika-16 2022.
Kinilala ni Police Brigadier General John Gano Guyguyun, Regional Director ng PRO Bangsamoro Autonomous Region, ang naarestong suspek na si Rashid Camid Adapun.
Ayon kay PBGen Guyguyun, habang nagsasagawa ng checkpoint ang Ditsa-an Ramain Municipal Police Station ay hinarang nila ang suspek dahil sa pagmamaneho ng walang plaka na motorsiklo na Suzuki Raider 150 at nang bineberipika ang dokumento nito ay napansin ng kapulisan ang tangkang paghagis nito ng paper bag na nag-udyok sa kanila upang inspeksyunin ito.
Dagdag pa, nakumpiska mula sa suspek ang isang pakete ng transparent cellophane na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu na may tinatayang timbang na 25 gramo na nagkakahalaga ng Php170,000.
Samantala, pinuri ni PBGen Guyguyun ang Ditsaan-Ramain MPS sa kanilang agarang aksyon na nagresulta sa tagumpay na ito.
Dagdag pa, hinihimok niya ang mga tauhan ng PRO BAR na ipagpatuloy ang mga tagumpay sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon ng Bangsamoro.
###
Panulat ni Patrolman Charlie Nasroden Corpuz