Taguig City — Timbog ang isang miyembro ng Utto Criminal Group ng mga operatiba ng Taguig City Police Station dahil sa ginawa niyang Robbery Hold-up nitong Lunes, March 23, 2022.
Kinilala ni Southern Police District Director, Police Brigadier General Jimili Macaraeg, ang suspek na si Arnold Varias y Atiero alyas “Noy,” 38, miyembro rin ng Non-Government Organization na PHMI o Police Hotline Movement Inc, kasalukuyang residente sa Brgy. Upper Bicutan, Taguig.
Ayon kay PBGen Macaraeg, nadakip si Varias bandang alas-6:00 ng hapon sa kahabaan ng A. Bonifacio St., Upper Bicutan, Taguig City.
Siya ay nahuli buhat sa impormasyon ng Intel Section ng istasyon galing sa kanilang Barangay Information Network (BIN).
Ang Utto Criminal Group ay kilala sa pagkakasangkot nito sa robbery hold-up at kalakalan ng ilegal na droga sa Taguig City.
Narekober sa possession ni Varias ang isang cal. 38 revolver DAMANCOR na may serial number at dalawang live ammunition, isang fragmentation hand grenade, isang Yamaha NMax motorcycle w/o plate number (may remote key) at PHMI ID at badge at driver’s license ni Varias.
Mahaharap sa patong-patong na kaso si Varias sa paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunitions), RA 9516 (Illegal Possession of Explosive (Fragmentation Hand Grenade) at Omnibus Election Code.
“Binabati ko ang mabilis na pagtugon ng ating mga operatiba na nagresulta sa pagkadakip ng miyembro ng Utto Criminal Group. Bilang tungkulin sa isang tahimik at ligtas na pamayanan, hindi kami titigil sa aming mga operasyon at pagtugis sa iba pang mga criminal group na kasalukuyang naghahasik ng kanilang masasamang gawain sa ating nasasakupan,” dagdag ni PBGen Macaraeg.
Source: SPD PIO
###
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos