9,000 Pulis, itinalaga sa Rescue at Relief Ops sa mga lugar na hinagupit ni bagyong “Tino”

0
1219

Mahigit 9,000 kapulisan at 300 mobile units ang nauna ng ipinakalat ng Philippine National Police (PNP) para tumulong sa evacuation, search and rescue, at relief operations sa mga lugar na matinding tinamaan ni Typhoon Tino (international name: Kalmaegi), ayon kay PNP Acting Chief, Police Lieutenant General Jose Melencio C Nartatez Jr.

Nitong Nobyembre 5, 2025, inatasan ni PLtGen Nartatez ang lahat ng mga regional at local police units sa mga apektadong lugar na paigtingin ang kanilang operasyon at tiyaking mabilis at ligtas ang pamamahagi ng mga relief goods sa mga pamilyang inilikas o nawalan ng tirahan.

Aniya, bahagi ito ng malawakang tugon ng PNP alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbigay ng lahat ng posibleng tulong sa mga mamamayang nasalanta ng bagyo.

”Malawak ang pinsalang iniwan ni Tino, lalo na sa bahagi ng Visayas, batay sa mga larawang nakikita natin online. Pinapangako namin sa publiko na ang PNP ay nasa ground ngayon nagtutulungan kasama ng iba pang ahensya ng gobyerno para sa mabilis at maayos na pagtugon,” pahayag ni PLtGenNartatez.

Samantala, sa isang press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson PBGen Randulf Tuaño na tuloy-tuloy ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa mas epektibo at nagkakaisang pagtugon.

”Mananatiling naka-duty ang PNP 24/7. Ang kaligtasan ng mamamayan, pagpapanatili ng kaayusan, at pagtulong sa komunidad ang aming pangunahing tungkulin. Hinihikayat namin ang publiko na sumunod sa mga abiso, maagang lumikas kung kinakailangan, at magtiwala sa ating mga pulis na handang tumulong,” ani Tuaño.

Panulat ni S2JO Vince Jerald D Sicam PN, JOBSC 06-25

Source:

https://www.pna.gov.ph/articles/1262592
https://www.facebook.com/pnp.pio/photos