Sa magdamag na operasyon kontra Most Wanted Person, anim (6) na personalidad na matagal nang pinaghahanap ng batas ang matagumpay na naaresto ng mga miyembro ng Rizal PNP, nitong Setyembre 2, 2025.
Nadakip ng Taytay MPS ang mga suspek na sina alyas “Rey”, 32-anyos, kabilang sa Regional Most Wanted Person na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” na walang piyansa; alyas “Rick”, 43-anyos, Rank 10 Regional Most Wanted Person sa Cagayan Valley Region na nahaharap sa kasong Rape (3 counts) na walang piyansa; at alyas “Ogie”, 41-anyos, kabilang sa Provincial Most Wanted Person na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 7610 o “Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act” na may piyansang Php200,000.
Samantala, sa bayan ng Angono, isang Provincial Most Wanted Person ang naaresto ng mga tauhan ng Angono Municipal Police Station sa Barangay San Isidro. Kinilala ang suspek na si alyas “Pangga”, 42-anyos, na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 na walang inirerekomendang piyansa.
Sa Lungsod ng Antipolo, isang Rank 9 Provincial Most Wanted Person ang dinakip ng mga pulis ng Antipolo City katuwang ang CIDG Rizal PFU at 404th A MC RMFB4A sa Barangay San Isidro. Kinilala ang suspek na si alyas “Kuya Carlo,” 48-anyos, na nahaharap sa kasong Acts of Lasciviousness na may piyansang Php200,000.
Gayundin, sa bayan ng Cardona, isang Provincial Most Wanted Person ang naaresto sa Barangay Looc. Kinilala ang suspek na si alyas “Jing,” 43-anyos, tricycle driver, na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 na walang inirerekomendang piyansa.
Pinuri naman ni Police Colonel Feloteo A. Gonzalgo, Acting Provincial Director, ang kapulisan sa matagumpay nilang pagkakahuli sa mga taong nagtatago sa batas. “Ipagpatuloy nyo ang walang humpay na pagtugis sa mga taong kailangang harapin ang mga ginawa nilang krimen, ang pagkakadakip sa kanila ay makakatulong upang maibigay ang hustiya sa mga taong kanilang nabiktima, hinihikayat ko po ang ating mga kababayan na makipagtulungan sa ating mga kapulisan kung meron kayong namataan o kakilala na alam nyong pinaghahanap ng batas, sila ay agad nyong isuplong sa pinakamalapit na himpilan. Ang inyong pakikisa ay napakaling tulong para makamit natin ang mas mapayapang probinsiya ng Rizal.”



