Arestado ang 51 katao sa isinagawang anti-illegal gambling operation ng Police Regional Office 2 (PRO2) laban sa ilegal na sabong o “tupada” sa Coastal 2, Barangay Casambalangan, Sta. Ana, Cagayan, noong Hunyo 26, 2026.
Pinangunahan ng mga intelligence operatives ng Provincial Intelligence Unit/Provincial Drug Enforcement Unit (PIU/PDEU) ng Cagayan Police Provincial Office ang operasyon katuwang ang Regional Intelligence Division, PRO2, 2nd Provincial Mobile Force Company, 203rd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2, at Sta. Ana Police Station.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto ng mga indibidwal na umano’y nagpapatakbo, nangangasiwa, at nakikilahok sa ilegal na sabong. Nasamsam din ang Php208,982 na perang pusta, limang buhay na panabong na manok, mga tari, at iba pang kagamitang ginagamit sa ilegal na tupada. Isinagawa ang imbentaryo ng mga ebidensya sa presensya ng mga opisyal ng barangay bago dinala ang mga suspek at nakumpiskang kagamitan sa Sta. Ana Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Patunay ang matagumpay na operasyong ito ng ‘serbisyong mabilis’ na adhikain ng Bagong PNP sa pagsugpo sa lahat ng uri ng ilegal na sugal. Sa pamamagitan ng pinaigting na intelligence-driven operations at matatag na koordinasyon ng mga operating units, patuloy na isinusulong ng PRO2 ang pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at seguridad sa mga komunidad sa buong rehiyon.
Source: Police Regional Office 2



