40 Barangay Tanod sa Bangar, tumanggap ng bagong sapatos sa ilalim ng Project YAPPAKK

0
199

Tumanggap ng tig-iisang pares ng bagong sapatos ang 40 Barangay Tanod sa Bangar, La Union sa ilalim ng Project YAPPAKK (Yaman ken Ayat ti PNP: Agpaay ti Kakadwa para ti Kapia), bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Bangar Municipal Police Station (MPS) na palakasin ang kapayapaan, kaayusan, at pakikipag-ugnayan sa mga komunidad, noong Hunyo 26, 2026.

Sa pangunguna ni PMaj Clinton Amawan, Chief of Police ng Bangar MPS, ipinatupad ang Project YAPPAKK kung saan namahagi ng kabuuang 40 pares ng bagong sapatos sa mga barangay tanod ng Brgy. Gen. Prim East, Consuegra, at Cadapli. Ang inisyatibong ito ay pagkilala sa kanilang dedikasyon at mahalagang ambag sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang mga nasasakupan.

Ayon kay PMaj Amawan, umabot na sa 197 barangay tanod mula sa 17 barangay sa buong bayan ang nabigyan ng bagong sapatos sa ilalim ng programa. Dagdag pa niya, ang mga natitirang barangay tanod ay makatatanggap din ng parehong benepisyo matapos nilang matagumpay na maipasa ang huling pagsusulit sa komprehensibong pagsasanay na sumasaklaw sa spiritual enhancement at mga lektura ukol sa mga legal na usapin, kabilang ang pagresolba sa mga alitan sa lupa.

Binigyang-diin ni PMaj Amawan na ang tunay na kapayapaan at kaayusan ay bunga ng sama-samang pagkilos, pagtutulungan, at tiwala sa pagitan ng pulisya at ng komunidad. Aniya, mahalaga ang aktibong pakikilahok ng mga barangay tanod bilang katuwang ng Philippine National Police sa pagpapanatili ng ligtas at maayos na pamayanan.

Sa pamamagitan ng Project YAPPAKK, muling pinagtibay ng Bangar MPS ang kanyang dedikasyon sa pagpapalakas ng ugnayan sa mga barangay at pagkilala sa mahalagang papel ng mga barangay tanod bilang katuwang sa pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kaayusan. Ang inisyatibong ito ay kaakibat ng adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” na naglalayong maghatid ng serbisyong may malasakit, mahusay, at tunay na nararamdaman ng bawat mamamayan.

Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan

Source: Bangar MPS

Leave a Reply