Tambler, General Santos City – Nakapagtala na ang Police Regional Office 12 ng 365 barangays na kung saan naabot at natulungan ng Oplan: Kalinaw Reloaded simula noong inilunsad ito noong Hunyo 3, 2022 hanggang sa kasalukuyan.
Ayon kay PBGen Alexander Tagum, Regional Director ng PRO12, ang Oplan: Kalinaw Reloaded ay isang Whole-of-the-Nation Approach na kinabibilangan ng suporta at partisipasyon ng National and Local Government Agencies, na naglalayong maghatid ng iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan.
Ang mga barangay na kabilang sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas o GIDAS ang pangunahing binigyang serbisyo at tulong sa pamamagitan ng nasabing programa.
Ayon pa kay PBGen Tagum, libreng konsultasyon sa kalusugan, pagtuturo, libreng pakain, libreng gupit, pamamahagi ng mga seedlings sa mga magsasaka, bitamina para sa mga bata, at food packs/grocery items naman para sa mga mahihirap na pamilya ang pangunahing kanilang ipinapamahagi sa komunidad sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, stakeholders at mga Advocacy Support Groups ng Rehiyong 12.
Dagdag pa ni PBGen Tagum, ang naturang programa ay isang pamamaraan din ng PNP upang labanan ang terorismo at kriminalidad, kung saan nagbunga na rin ito ng pagsuko ng mga miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) at mga wanted persons.
Samantala, patuloy pa ring isinasagawa ang programa ng mga Provincial at City Police Offices ng General Santos City, South Cotabato, Cotabato, Sarangani at Sultan Kudarat sa iba’t ibang dako ng rehiyon.
“Gaano man kalayo, titiyakin ng PRO 12 na patuloy pa ring maghahatid ng mas epektibo at mas mahusay na serbisyo ang kapulisan partikular sa rural areas na nangangailangan ng malaking atensyon ng gobyerno,” ani PBGen Tagum.
Ang SOCCSKSARGEN ay mayroong 1,125 barangay at sa datos na ‘yan ay nasa 365 na ang nabenepisyohanan ng Oplan: Kalinaw Reloaded.
Source: Police Regional Office 12
###
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin