Magtatalaga ng 3,119 security personnel ang Police Regional Office-Negros Island Region (PRO-NIR) upang palakasin ang pag-iwas sa krimen at matiyak ang kaligtasan ng publiko sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day, o Undas, 2026 sa Negros Island Region. Kaugnay nito, ilalagay sa full alert ang buong hanay ng kapulisan upang matiyak ang kahandaan sa pagpapanatili ng kaayusan sa rehiyon.
Sa kabuuang bilang, 1,773 ay mga pulis, 340 ay mula sa iba pang police units, at 1,006 naman ang mga force multipliers. Mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3, itatalaga sila sa mga sementeryo at Columbarium, lugar ng pagsamba, pangunahing lansangan, transportasyon hubs, at mga pasyalan sa Negros Occidental, kabilang ang Bacolod City, Negros Oriental, at Siquijor.
Magtatatag din ng mga checkpoint sa mga estratehikong lugar at magsasagawa ng regular na mobile patrol upang mabantayan ang sitwasyon sa seguridad at mapigilan ang mga posibleng krimen. Maglalagay rin ng mga police assistance desk sa mga itinalagang sementeryo at Columbarium, lalo na sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng mga bisita, upang agad na matugunan ang kanilang mga pangangailangan at alalahanin.
Binigyang-diin ni PBGen Rudecindo Reales, Regional Director ng PRO-NIR, na pangunahing prayoridad ng kapulisan ang pag-iwas sa krimen at pangangalaga sa kaligtasan ng publiko ngayong Undas. Hinikayat niya ang mga bibisita sa mga sementeryo at memorial park na ingatan ang kanilang mga gamit, sundin ang mga patakaran sa trapiko at kaligtasan, at makipagtulungan sa mga awtoridad.
Pinayuhan din ang publiko na agad na iulat sa pinakamalapit na pulis, himpilan ng pulisya, o police assistance desk ang anumang kahina-hinalang aktibidad o emergency upang mapabilis ang pagtugon ng kapulisan. Patuloy na paiigtingin ng PRO-NIR ang mga hakbang sa seguridad at serbisyong pampubliko upang maisulong ang isang ligtas at maayos na paggunita ng Undas, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PRO NIR (https://www.facebook.com/share/p/1QTiGJ7JJJ/ )

