3 Indibidwal, arestado sa buy-bust sa South Cotabato; Php192K halaga ng shabu, nasamsam

0
443

Arestado ang tatlong suspek sa isang buy-bust operation na isinagawa ng Polomolok Municipal Police Station katuwang ang SCPDEU, SCPIU, 1st at 2nd SCPMFC, 1205th MC, at RMFB 12 sa koordinasyon ng PDEA 12 dakong 2:21 ng madaling araw nito lamang Agosto 24, 2025 sa Lantana Subdivision, Barangay Cannery-site, Polomolok, South Cotabato.

Kinilala ang mga naaresto na sina alyas “Yoyong,” 32, walang trabaho, residente ng Barangay Cannery-site; alyas “Win,” 29, welder, residente ng Barangay Upper Klinan, Polomolok; at alyas “Jen,” 25, walang trabaho, residente ng Barangay San Isidro, General Santos City.

Nasamsam mula kay “Yoyong” ang tatlong sachets ng hinihinalang shabu na may timbang na 10.1 gramo at buy-bust money na Php1,000 bill, isang itim na pouch, at motorsiklong Honda CRF 150 kulay itim.

Nakuha naman mula kay “Win” ang tatlong sachets ng hinihinalang shabu na may 15 gramo at isang pulang-abo na pouch, habang kay “Jen” ay isang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na tatlong gramo.

Sa kabuuan, umabot sa 29 gramo ang nakumpiskang iligal na droga na tinatayang nagkakahalaga ng Php192,000.

Patuloy ang PNP sa kampanya laban sa iligal na droga na ugat ng kriminalidad at hadlang sa pagkamit ng isang maunlad at payapa na komunidad.