216 baril, narekober ng PRO6 sa patuloy na kampanya kontra loose firearms

0
116
Screenshot

Matagumpay na narekober ng Police Regional Office 6 (PRO6) ang nasa kabuuang 216 na baril sa pamamagitan ng pagkumpiska, boluntaryong pagsuko, at iba pang operasyon mula Mayo 22 hanggang Hunyo 4, 2026, bilang bahagi ng pinaigting nitong kampanya laban sa mga loose firearms sa Kanlurang Visayas.

Sa kaparehong panahon, 18 katao ang naaresto dahil sa paglabag sa mga batas kaugnay ng baril, habang 10 baril naman ang boluntaryong isinuko sa mga awtoridad para sa ligtas na pag-iingat.

Ayon kay PRO6 Acting Regional Director, PBGen Randulf T. Tuaño, ang bawat loose firearm na natatanggal sa komunidad ay katumbas ng isang posibleng banta na naiiwasan at isang mahalagang hakbang tungo sa mas ligtas na pamayanan.

“Sa bawat armas na walang lisensya na ating narerekober sa komunidad, pinapababa din natin ang posibilidad na magamit ito sa pang-aabuso, krimen at iba pang mga insidente na tiyak na magdadala ng kapahamakan sa seguridad ng lahat ng mga residente. Ganyan kahalaga ang kampanyang ito,” ayon kay PBGen Tuaño.

Binigyang-diin pa niya na ang pagbawi ng mga baril ay hindi lamang usapin ng pagpapatupad ng batas kundi higit sa lahat ay tungkol sa pagprotekta sa buhay at pagbibigay ng mas ligtas na kapaligiran para sa mga pamilya at komunidad.

Pinasalamatan naman ni PBGen Tuaño ang mga residente na patuloy na nakikipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagre-report  at boluntaryong pagsuko ng mga baril.

Ang nasabing tagumpay ay sumasalamin sa patuloy na pagsisikap ng PRO6 na maisakatuparan ang adhikaing “Responsive, Trusted, and Transformative Policing for a Safer Western Visayas”. Ito ay alinsunod sa Focus Agenda at mantra ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,” sa ilalim ng pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief, PNP.

Leave a Reply