Muling pinatunayan ng Bacolod City Police Office (CPO) ang kahandaan at mabilis na pagtugon ng kapulisan matapos mapigilan ang dalawang magkahiwalay na insidente ng tangkang pagnanakaw noong, Setyembre 12 at 13, 2026.
Sa unang insidente, dakong alas 6:42 ng gabi noong Setyembre 12, agad na rumesponde ang mga tauhan ng Bacolod Police Station 3 sa naiulat na tangkang pagnanakaw sa GC&C Motor Pool sa Brgy. Bata. Nahuli ng nakatalagang security guard ang isang lalaki na aktong kumukuha ng humigit-kumulang sampung metro ng electrical extension wire na nagkakahalaga ng Php2,500.
Ang suspek, na kinilalang si alyas “John Franco,” 38 anyos, isang welder at residente ng Brgy. Tortusa, Manapla, ay agad na isinuko sa mga rumespondeng pulis na pinangunahan ni PSSg Richard Torres.
Samantala, dakong alas 1:40 ng madaling-araw noong Setyembre 13, muling mabilis na umaksyon ang Bacolod Police Station 1 matapos maharang ang isa pang tangkang pagnanakaw sa harapan ng Negros Occidental High School sa Araneta Street, Brgy. 36. Namataan ng isang 28 anyos na Public Order and Safety Office (POSO) guard ang isang lalaki na tinatangkang tangayin ang mga bakal na grills ng paaralan. Agad itong iniulat sa pulisya, na nagresulta sa mabilis na pagresponde ng patrol team na pinangunahan ni Patrolman Kenneth Dela Torre at pagkakaaresto sa suspek na alyas “Roger,” 36 anyos at residente ng Brgy. 16.
Ang magkahiwalay na insidente ay nagpapakita ng kahalagahan ng mabilis na koordinasyon at pakikipagtulungan ng komunidad at kapulisan sa pagpigil sa mga krimen laban sa ari-arian.
Pinuri ni PCol Eugene N. Rebadomia, City Director ng Bacolod CPO, ang pagiging mapagmatyag ng mga security personnel at ang agarang pagtugon ng mga tauhan ng pulisya, na mahalaga sa pagpapanatili ng seguridad at proteksyon ng mga mamamayan at kanilang mga ari-arian.
Patuloy pang paiigtingin ng Bacolod BCPO ang police visibility, mabilis na pagtugon sa mga sumbong at ulat, at pakikipagtulungan sa komunidad upang maagapan ang anumang banta sa seguridad. Sa ilalim ng adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,” layunin ng Bacolod CPO na mapanatili ang isang mas ligtas, mapayapa, at maayos na komunidad para sa lahat.
Panunulat ni Patrolman Andrea Dominique Depalubos
Source: https://www.facebook.com/share/p/1KrKpR3ZCw/

